Pinag-aaralan ng Sangguniang Panlungsod ng Dagupan City ang panukalang Zero Balance Billing para sa rehabilitasyon ng mga pasyenteng dati nang nalulong o gumamit ng ilegal na droga.
Layunin ng programa na mas mapalawak ang access sa detoxification at rehabilitation services nang libre para sa mga pasyenteng nangangailangan.
Sa pagdinig na isinagawa sa pakikipagtulungan ng Department of Health – Drug Treatment and Rehabilitation Center (DOH-DTRC) Dagupan, tinalakay ang mga benepisyo ng naturang panukala, kabilang ang posibilidad na mas maraming indibidwal ang mahikayat na sumailalim sa rehabilitation dahil hindi na kailangan pang alalahanin ang malaking gastusin.
Bilang pangunahing drug treatment and rehabilitation center sa Pangasinan, nakapagtala ang DOH-DTRC Dagupan ng 167 na voluntary confinement noong 2025, kung saan karamihan sa mga kaso ay may kaugnayan sa paggamit ng shabu at marijuana.
Sa kasalukuyan, nasa 220 ang bilang ng mga pasyente ng center, kung saan 37 sa mga ito ay mula sa Dagupan City at ang iba ay galing sa iba pang bayan at lungsod sa lalawigan pati na rin sa mga kalapit na lugar.
Ayon sa DOH-DTRC Dagupan, kasalukuyang epektibo na ang Zero Balance Billing para sa mga indigent o mahihirap na residente ng lungsod.
Gayunpaman, para sa mga pasyenteng hindi kabilang sa indigent category o hindi benepisyaryo ng anumang government assistance program, kinakailangang magbayad ng nasa ₱12,000 kada buwan sa loob ng walong buwan upang makumpleto ang buong proseso ng rehabilitasyon.
Anila, ang naturang panukala ay inaasahang magbibigay ng pantay-pantay na oportunidad sa lahat ng nangangailangan ng tulong, at makatutulong sa pagpapababa ng bilang ng mga taong nalululong sa droga sa Dagupan City at kalapit na mga lugar. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










