Binatikos ni Assistant Minority Leader at Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas ang mungkahi ng Department of Finance (DOF) na pansamantalang alisin ang ipinapataw na taripa sa imported na bigas para mapababa ang presyo nito.
Giit ni brosas, ang naturang panukala ang tuluyang papatay sa local rice industry dahil lalong babaha ng imported na bigas sa bansa kasabay ng papasok na panahong ng anihan.
Ayon kay Brosas, kung masusunod ang proposal ng DOF ay tiyak na mga rice cartel ang magbebenipisyo dito.
Ipinunto ni Brosas na hindi na nga nakabangon ang mga magsasaka mula ng maipasa ang Rice Liberalization Law ay lalo pa silang malulugmok kung mas luluwagan ang pagpapapasok ng rice imports.
Diin ni Brosas, ang mas mainam na solusyon ay ibasura na ang Rice Liberalization Law na pinakikinabangan lang ng mga malalaking rice importers.
Isinusulong din ni Brosas na maibalik ang mandato ng National Food Authority na direktang mamili ng signipikanteng volume ng palay mula sa mga magsasaka.