
Naglabas ng panuntunan ang Korte Suprema kaugnay sa pagsusuri sa voluntary surrender bilang mitigating circumstance o para mapababa ang parusa sa isang indibidwal.
Sa isang desisyon na isinulat ni Associate Justice Samuel Gaerlan, pinagbigyan ng SC ang petisyon ng isang lalaking nahatulan sa kasong bigamy at ibinaba ang kanyang parusa sa apat na taon mula sa anim na taon.
Ito ay matapos kilalanin ng Kataas-taasang Hukuman ang boluntaryong pagsuko ng lalaki sa korte nang malaman na may nakabinbin na kaso at may warrant of arrest laban sa kaniya.
Nag-ugat ito nang magtungo ang lalaki sa National Bureau of Investigation (NBI) para kumuha ng clearance pero dito lumabas na may “hit” pala ang kaniyang pangalan.
Bago pa man maihain sa kaniya ang warrant ay nagsabi na ito na handa siyang sumuko pero hindi ito kinilala ng Regional Trial Court at Court of Appeals bilang kaso ng voluntary surrender.
Sabi naman ng Supreme Court, kung nais umiwas ng lalaki sa batas ay hindi na ito babalik sa NBI at wala ring patunay na alam niyang may nailabas nang warrant laban sa kanya bago siya sumuko.
Kinilala ng SC ang boluntaryong pagsuko ng lalaki at inatasan ang pagpapababa ng parusa sa kaniya.










