PANUNTUNAN | Mga isyung tatalakayin sa oral arguments kaugnay sa petisyon na kumukwestiyon sa pagbabawal sa same-sex marriage, inilatag ng Korte Suprema

Manila, Philippines – Naglabas na ng panuntunan ang Korte Suprema kaugnay sa oral arguments na ipinatawag nito na may kinalaman sa petisyon na kumukwestiyon sa ilang probisyon ng Family Code na nagbabawal sa same-sex marriage.

Ang petisyon ay inihain ni Atty. Jesus Nicardo Falcis III laban sa Civil Registrar-General.

Intervenor sa kaso sina Atty. Fernando Perito, LGBTS Christian Church Incorporated at Reverend Cresencio Agbayani Jr.


Itinakda ng Kataas-taasang Hukuman ang oral arguments sa June 19, 2018, dakong alas dos ng hapon.

Kasama sa mga isyung tatalakayin sa oral arguments ang hinggil sa kung limitado lamang sa pagitan ang isang babae at lalaki ang civil marriage.
Gayundin ang hinggil sa maituturing na pagganap ng estado sa police power nito at ito ba ay hindi lumalabag sa equal protection clause ng Saligang Batas.

Kabilang din sa isyu ay kung ang pagkakait ba sa same-sex couple na magpakasal ay maituturing na pagkakait sa kanilang right to life at right to liberty nang walang due process.

Kung ang pagpapakasal ba na nakabatay sa konsepto ng gender ng tao ay paglabag sa religious freedom at kung unconsitutional ba ang Articles 1 at 2 ng Family Code o Executive Order No. 209 na nagtatakda na ang pagpapakasal ay limitado lamang sa pagitan ng isang lalaki at babae.

Matatandaang iginigiit ni Falcis sa kanyang petisyon na ang pagpapasya ng mga indibidwal, sila man ay homosexual o heterosexual ng taong nais nilang makaisang dibdib ay isang pribadong bagay na hindi dapat sinagsakaan ng estado.

Binigyan ng Korte Suprema ng tig-dalawanpung minuto ang panig ng petitioner, civil registrar general na respondent sa kaso, gayundin ang kampo ng mga intervenor para maglahad ng buod ng kanilang argumento.

Facebook Comments