Pinag-aaralan na ng Commission on Elections (COMELEC) ang pagpapatupad nito ng Oplan-Baklas sa mga ilegal na campaign materials.
Ayon kay COMELEC Spokesperson James Jimenez, bagama’t sinusuri na ito ngayon ng mga commissioner, isa sa paraan upang masimulan ang talakayan ay kung may magsusumite ng position paper sa COMELEC ukol sa pagpapatupad ng naturang patakaran.
Kabilang sa mga pinag-aaralan ay ang implementing rules and regulations ng Fair Elections Act at ang section 22 hanggang 29 ng naturang batas na naging basehan ng pagbabaklas.
Dagdag pa ni Jimenez na hindi naman bingi ang komisyon kaya’t kung may pagtutol ang publiko ay hindi sila magdadalawang-isip na pag-aralan ang kanilang mga patakaran.
Bagama’t walang katiyakan na babaguhin ng COMELEC ang patakarang ito, sinabi ni Jimenez na ginawa na ito dati at bukas sila sa mga pagbabago.
Samantala, sinabi naman ng COMELEC na maaari nilang sampahan ng kaso ang mga private property owner na magmamatigas na tanggalin ang mga oversized campaign material.