
Isusulong ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla ang pag-amiyenda sa mga panuntunan para paikliin ang evaluation at preliminary investigation sa mga kasong inihahain sa Ombudsman.
Ayon kay Remulla, ito ay para mabilis ang paggulong ng mga kaso sa ahensiya sa ilalim ng kaniyang liderato.
Sa kanyang panukala, kailangan ay matapos ang evaluation sa mga reklamong natatanggap ng Ombudsman sa loob ng 72 oras, habang ang preliminary investigation at fact-finding investigations ay kailangang matapos sa loob lamang ng 60 araw.
Paliwanag ni Remulla, kailangang mapanatili ang kredibilidad ng Ombudsman sa paghawak ng mga isyung may kinalaman sa katiwalian sa gobyerno kaya dapat ay maiwasan ang matagal na pagkaantala sa hustisya.
Kasabay nito, isinusulong din ni Remulla ang digitalization para sa mas mabilis na proseso ng anumang transaksiyon sa naturang tanggapan.









