Panuntunan patungkol sa plenary attendance at botohan, sinimulan ng repasuhin ng Kamara

Ayon kay Deputy Majority Leader at Iloilo 1st district Rep. Janette Garin, isang rules rewriting committee ang binuo upang baguhin ang panuntunan patungkol sa hybrid plenary attendance at botohan sa Kamara.

Sabi ni Garin sinimulan na ang proseso para sa pagbabago ng kanilang plenary rules ngunit hangga’t wala pa ito ay papayagan pa rin ang pagdalo at pag-boto ng mga mambabatas gamit ang Zoom o iba pang electronic platform.

Ang nasabing hakbang ay kasunod ng pagpuna ni Albay 1st district Rep. Edcel Lagman sa kawalan ng ‘warm bodies’ sa plenaryo nang pagbotohan ang Resolution of Both Houses No. 6 na nagpapatawag ng Constitutional Convention para sa Charter Change.


Katwiran ni Lagman, wala na ang matinding banta ng COVID-19 kaya’t hindi na dapat dumadalo ang mga mambabatas sa sesyon gamit ang Zoom.

Maging ang Makabayan Bloc ay hinimok din ang Mababang Kapulungan na magbalik na sa full face-to-face plenary sessions alang-alang sa right to information ng publiko gayundin sa transparency at accountability bilang isang government institution.

Nakapaloob ito sa House Resolution number 859 na inihain nina Deputy Minority leader at ACT Teachers Party-list Rep. France Castro, Gabriela Women’s Party Rep Arlene Brosas, Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel.

Punto ni Castro, hindi ba’t nakakahiya sa mga estudyante at manggagawa na araw-araw ng pumapasok habang ang ilang mga mambabatas ay dumadalo pa rin sa pamamagitan ng hybrid session.

Facebook Comments