Inihirit ni Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte sa Commission on Elections o COMELEC na iklian ang panahon para sa panuntunan sa pagdedesisyon para sa “petition for exemption” kaugnay sa election spending ban.
Ito ay upang mapabilis ang pagresolba sa mga requests na ma-exempt sa ban ang ilan sa fund release na kinakailangan sa ngayon.
Inirekomenda ng kongresista na ibaba sa pito hanggang sampung araw ang pagresolba sa request for exemption.
Maaari rin aniya na huwag nang magsagawa ng hearing kada request at sa halip, aprubahan o ibasura depende kung nakapagsumite naman ng kumpletong requirement ang ahensya o tanggapan na humihingi ng exemption.
Dagdag pa ng kongresista na pahintulutan na ng poll body ang kanilang regional at provincial offices na dinggin ang exemption requests para mapabilis ang proseso.