Patuloy na nirerepaso ng Korte Suprema ang mga panuntunan sa panukalang Writ of Kalayaan.
Sa panunumpa ng mga bagong miyembro ng Integrated Bar of the Philippines CAMANAVA Chapter, sinabi ni Senior Associate Justice Marvic Leonen na nasa proseso na ang technical working group para sa Writ of Kalayaan ng pagkonsulta sa lahat ng stakeholders at pag-review sa panukala.
Layon din ng Writ of Kalayaan na maprotektahan ang mga karapatan ng PDLs sa buhay at kalusugan at karapatan laban sa hindi makataong parusa.
Umaasa ang mahistrado na sa pamamagitan ng Writ of Kalayaan ay maiwawasto ang kalagayan sa kulungan at sa pagtrato sa PDLs at hindi lamang ang isyu ng siksikan sa mga piitan.
Magreresulta aniya ang Writ of Kalayaan sa court-monitored continuing order na nag-uutos sa mga pamunuan ng kulungan na maiwasto ang mga malupit at hindi makataong kondisyon sa pagkakakulong.
Kapag hindi aniya ito nasunod sa ibinigay na panahon ay palalayain ang PDLs hanggang makamit ang makataong kondisyon sa bilangguan.