Monday, February 16, 2026

Panunuhol, pinakatalamak na uri ng korapsiyon sa bansa —OCTA survey

Nangunguna ang panunuhol sa pinakatalamak na uri ng korapsiyon sa bansa.

Batay sa pinakahuling survey ng OCTA Research na inilabas ngayong araw, pito sa bawat sampung Pinoy o 73 percent ang sumagot ng bribery bilang pinakatalamak na korapsiyon sa Pilipinas.

Sumunod dito ang iregularidad sa paggastos ng pondo na isinagot ng 66 percent ng respondents, habang 62 percent ang tumukoy sa vote buying at 54 percent ang mabagal na pag-usad ng hustisya.

Ayon sa survey ng OCTA, nangyayari ang mga naturang uri ng korapsiyon sa lahat ng socioeconomic groups sa buong bansa na nagpapakitang malawak ang korapsiyon na nakakaapekto sa pang-araw-araw na pamumuhay.

Sa nasabing survey rin binigyang-diin ng OCTA ang pangangailangan sa mas maigting na hakbang kontra korapsiyon gaya ng transparency at paggamit ng digitalization para maiwasan ang maling paggamit ng pondo ng bayan.

Samantala, isinagawa ang nationwide survey ng OCTA noong December 3-11 sa 1,200 Pilipinong edad 18 pataas at bahagi ng pag-aaral na kinomisyon ng Office of the Ombudsman kaugnay sa pananaw ng publiko sa korapsiyon sa pamahalaan.

Facebook Comments