Panunuhol sa ilang testigo ng Senado, pinasisilip ng isang senador

Pinaiimbestigahan ni Senator Robinhood Padilla ang alegasyon na binayaran o sinuhulan ang mga testigo sa pagdinig ng Senado.

Gayunman, walang pinangalanan si Padilla kung sino o ano ang tinutukoy niya sa kanyang resolusyon.

Nakasaad sa resolusyon na kailangan nilang siyasatin ang alegasyon upang malaman ang kahinaan ng Senado sa unethical activities at para makagawa ng rekomendasyon na poprotekta sa integridad ng legislative process.

Layon din ng resolusyon na papanagutin ang gumagawa ng unethical practices.

Sakali kasing mapatunayan na totoo ang lumutang na alegasyon ukol sa pagbabayad umano sa mga tumestigo sa Senado, tiyak na makokompromiso at malalagay sa alanganin ang kredibilidad at katotohanan ng mga imbestigasyon ng mataas na kapulungan at masisira ang tiwala ng publiko.

Matatandaang pinaratangan ni alyas Rene na binayaran umano siya ni Senator Risa Hontiveros para tumestigo laban kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Pastor Apollo Quiboloy at idinadamay din sina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Vice President Sara Duterte sa isyu ng religious group.

Facebook Comments