BALIK SIGLA NG TURISMO SA PANGASINAN, INAASAHANG MANUNUMBALIK SA PAGLUWAG NG MGA QUARANTINE RESTRICTIONS

LINGAYEN, PANGASINAN – Nakitaan naman ngayon ang panunumbalik ng sigla ng turismo ang lalawigan ng Pangasinan sa kabila ng banta ng COVID-19 at sa umiiral na quarantine restrictions.

Sinabi ni Malou Elduayan, Tourism Officer ng Pangasinan na kahit pa ramdam ang epekto ng pandemya sa lalawigan ay nakitaan ng paunti-unting dagsa ng tao at turista sa mga tourism sites ng lalawigan kahit papaano.

Isa umano sa maaaring naging dahilan nito ay ang unti-unting pagluwag ng mga restriksyon na ipinapatupad sa buong bansa at sa bawat Local Government Units maging dito sa lalawigan kung saan naroroon ang mga pook pasyalan kaya naman ay nagkakaroon ng pagkakataon na bumisita sa lalawigan ang mga nais magbakasyon.


Isa pa umano dito ay ang patuloy na paggulong ng ginagawang vaccine roll out kontra COVID-19 sa mga indibidwal na kabilang sa priority groups.

Bagamat malayo pa umano ang naitatalang bilang ng mga turista na nagtutungo sa lalawigan maging sa dinarayong Our Lady of Manaoag Shrine ng mga deboto ay nakikita nito na madaragdagan pa ito ng paunti unti bago sumapit ang bagong taon.

Sa ngayon umano ay karamihan sa mga turista ay nagtutungo sa mg Western Pangasinan dahil sa ipinagmamalaking dagat at tanawin.

Paalala naman nito sa mga nais magtungo, kinakailangan lamang magrehistro sa Tara Na.PH na nangangailangan ng approval mula sa Local Government Unit at magrehistro lamang sa S-PASS upang makapasok sa lugar.

Kinakailangan din umanong magcomply sa ilang dokumento na kinakailangan ng bawat LGUs sa Pangasinan ng sa gayon ay maiwasan ang aberya at makaiwas pa sa banta ng pandemya.###

Facebook Comments