Hinamon ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang Malacañang at Department of Justice (DOJ) na huwag ding payagang pumasok sa trabaho si Public Attorneys Office o PAO Chief Persida Acosta dahil hindi pa ito nababakunahan laban sa COVID-19.
Sabi ni Drilon, ang hindi pagpapabakuna ni Acosta ay sampal sa COVID-19 vaccination campaign ng gobyerno.
Paliwanag ni Drilon, dahil hindi bakunado ay inilalagay ni Acosta sa peligro ang buhay, kalusugan at kaligtasan ng mga kasamahan nito sa trabaho.
Diin pa ni Drilon, maakusahan ang pamahalaan ng pagiging hindi patas kung patuloy na hahayaan si Acosta na mag-report sa trabaho habang nililimitahan ang galaw ng ordinaryong mga Pilipino na hindi pa rin bakunado.
Giit ni Drilon, kung seryoso ang gobyerno sa ‘no vax, stay at home; at no vax, no ride policy,’ ay dapat itong ipatupad sa lahat dahil kung hindi ay hindi ito uubra.
Katwiran pa ni Drilon, ang pagbabawal kay Acosta na mag-report sa trabaho ay umaayon sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na limitahan ang galaw ng mga hindi pa bakunado para sa kabutihan ng lahat.