May nakita ang Public Attorney’s Office na conflict sa resulta ng imbestigasyon ng NBI at PNP kaugnay ng brutal na pagpatay kay Christine Silawan.
Ayon kay Dr. Erwin Erfe, Hepe ng PAO Forensic Division, hindi magkatugma sa forensic aspect ang imbestigasyon ng pulisya at NBI.
Dahil dito, hindi pa itinuturing ng PAO na sarado ang kaso kahit na naaresto na ang dise-siete anyos na suspek na dating kasintahan ni Christine.
Inihayag naman ni PAO Chief Persida Acosta na circumstantial evidence ang pinagbasehan ng NBI sa kanilang imbestigasyon habang ang PNP ay pinagbasehan ang statement ng testigo na nakasaksi nang patayin si Christine.
Ayon pa kay Acosta, posibleng hindi lamang isang suspek ang nasa likod ng pagkawala ng internal organs ni Christine lalo na aniya’t hindi madaling tanggalin ang internal organs.
Duda rin ang PAO dahil malinis anila ang pagkakatapyas sa mukha ng biktima at maging ang buto nito sa mukha ay walang palatandaan na kinayod ito.