Isang 13-anyos na lalaki ang binawian ng buhay sa ospital makaraang lagnatin at dumanas iba pang senyales ng dengue.
Siya ay si Jerico Azugue, ang ika-112 bata na hinihinalaang nasawi dahil sa Dengvaxia.
Ayon sa Public Attorney’s Office (PAO) – isa ang bata sa nabakunahan ng Dengvaxia noong June 21, 2016, March 2, 2017 at September 26, 2017.
Hindi pa umano nakararanas ng dengue ang biktima nang isalang siya sa mass vaccination ng Department of Health (DOH).
Batay sa pagsusuri ng forensic team ng PAO sa pangunguna ni Dr. Erwin Erfe nakaranas ang biktima ng multiple organ enlargement at internal organ bleeding.
Ang naturang findings ay kagaya rin ng resulta ng ginawa nilang pagsusuri sa naunang 111 kaso ng pagkamatay.
Dahil dito, umaasa ang PAO na makapaglalabas na ng resolusyon ang Department of Justice (DOJ) hinggil sa unang batch ng kasong kriminal na isinampa nito laban sa mga dati at kasalukuyang opisyal ng DOH na sangkot sa pagbili ng kontrobersyal na bakuna.