PAO, umalma sa akusasyong duplication ng SOCO at NBI ang kanilang forensic laboratory

Umalma ang Public Attorney’s Office (PAO) sa pahayag ni Senador Franklin Drilon na ang PAO Forensic Laboratory ay duplication ng PNP-SOCO at ng NBI Forensic Laboratory.

Ito kasi ang dahilan kung bakit tinapyasan ng Senado ang budget ng PAO Forensic Laboratory.

Ayon kay PAO Chief Atty. Persida Rueda-Acosta, kung ang kanilang Forensic Lab ay duplication ng SOCO at NBI, dapat din aniyang ituring na duplication ang Forensic Lab ng Comission on Human Rights (CHR).


Kinuwestiyon din ng PAO Chief ang pagtaas sa pondo ng CHR Forensic Lab sa 300-million pesos mula sa 200-million pesos.

Nagtataka si Acosta kung bakit pinupuntirya ang budget ng PAO Forensic Lab na siyang tumutulong sa mga biktima ng anti-dengue vaccine na Dengvaxia.

Iginiit pa ni Atty. Acosta na hindi duplication ang kanilang Forensic Lab dahil ang PAO ang naatasan ng gobyerno at ng Department of Justice (DOJ) na mag-imbestiga at tumulong sa pamilya ng mga batang namatay matapos maturukan ng Dengvaxia vaccine.

Facebook Comments