PAO, umapela sa Court of Appeals kaugnay ng isyu sa citizenship ng Fil-Am na si Walter Prescott

Umapela ang Public Attorney’s Office (PAO) sa Court of Appeals (CA) na irekonsidera ang nauna nitong desisyon para ibalik ang deklarasyon bilang isang Filipino citizen si Walter Prescott.

Hiniling din ni PAO Chief Persida Rueda Acosta sa CA na atasan ang Bureau of Immigration (BI) na permanente nang pakawalan si Prescott.

Si Prescott, 71 anyos, ay una ng na-detain sa BI Jail Facility matapos bawiin ni dating Justice Sec. Leila de Lima ang Filipino citizenship nito.


Pero sa kahilingan ni PAO Chief Persida Rueda Acosta ay ibinigay sa kanila ng Department of Justice (DOJ) ang pansamantalang kustodiya ni Prescott.

Ayon kay Acosta, ang nanay ni Prescott ay Pilipina habang ang ama nito ay isang US citizen.

Bagama’t, noong 1980’s ay nagtungo ng Estados Unidos si Prescott para magtrabaho at nagkapamilya at naging naturalized citizen doon noong 2006, pero nang magretiro siya sa trabaho sa Amerika ay umuwi ng Pilipinas para dito na manatili.

Nabawi naman ni Prescott ang kanyang pagiging Filipino citizen, pero kinwestyon ito ng kanyang dating asawa na isang Pinay at kinasuhan siya.

Iginiit ni Acosta na nakakabahala na posibleng dumami pa ang kaso kung saan pinagkakaitan ng citizenship ang isang Pilipino.

Facebook Comments