Aminado ang Presidential Anti-organized Crime Commission (PAOCC) na mahirap tuldukan ang problema ng bansa pagdating sa Philippine Online Gaming Operations (POGO), hangga’t walang malakas na patakaran ang gobyerno laban dito.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni PAOCC Spokesperson Dr. Winston John Casio na sa kabuuang 402 na POGO na nag-o-operate sa bansa ay nasa 100 pa rin dito ang operational.
Sa naturang bilang, apat pa lamang ang naipasara nila kung saan dalawa rito ay sa Pasay, isa sa Bamban, at ang pinakahuli ay itong sa Porac, Pampanga.
Ayon kay Casio, hindi nila alam kung hanggang kelan nila kayang i-sustain ang mga operasyon laban sa marami pang POGO sa bansa.
Sa ngayon aniya ay inaabot ng limang linggo ang kanilang case build up at hanggang matapos ang operasyon ay inaabot ng dalawang buwan ang proseso.
Kaugnay nito, ipinauubaya na nila sa chairman ng komisyon na si Executive Secretary Lucas Bersamin ang desisyon kung isusulong ang mungkahi na irekomenda na kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na tuluyan nang ipagbawal ang POGO sa bansa.
Kinukonsulta na raw ni Bersamin ang iba pang gabinete hinggil dito, pero habang wala pang pagpapasya ay ituloy lamang ng PAOCC ang malawakang operasyon laban sa mga POGO hub.