PAOCC, inaming may mga lumapit sa kanila para tulungan sa kaso si Alice Guo

Inamin ni Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) Usec. Gilbert Cruz na mayroong nagpahiwatig sa kanya para tulungan si dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

Sa panayam kay Cruz sa Senado, inamin niyang may mga lumapit at nagpasaring sa kanya na tulungan si Guo at ang nakakalungkot aniya rito, ang iba ay kaibigan pa niya.

Sinabi ni Cruz na kunwari ay kukumustahin sa kanya ang kaso ni Alice Guo at biglang sasabihin sa kanya kung maaaring tulungan ang sinibak na alkalde sa kaso.


Nilinaw naman ni Cruz na hanggang pagbibigay lamang ng pahiwatig ang ginagawa sa kanya at wala namang alok na pera dahil kilala naman siya ng mga ito na hindi siya ganung klaseng opisyal ng gobyerno.

Tumanggi na ang PAOCC Undersecretary na pangalanan at tukuyin kung sino ang lumalapit sa kanya para ayusin ang kaso ni Guo.

Facebook Comments