Tinanggal na bilang spokesman ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) si Dr. Winston John Casio matapos ang viral video nito sa ikinasang raid sa Bataan noong Huwebes.
Kinumpirma mismo ni PAOCC Executive Director Usec. Gilbert Cruz na pinagpaliwanag na niya si Casio habang gumugulong ang imbestigasyon sa pangyayari.
Sa viral video, may kausap na lalaki si Casio kung saan makikita na tila bigla niya itong sinampal.
Nangyari ang insidente habang isinasagawa ng PAOCC kasama ang pulisya ang raid sa Central One Bataan sa Bagac.
Sinabi pa ni Usec. Cruz na inamin ni Dr. Casio hindi na siya nakapagpigil matapos umanong murahin at bigyan siya ng dirty finger ng lalaki.
Humingi naman ng paumanhin si Casio sa kanyang ginawa kasabay ng katiyakan na haharapin at pananagutan ang pagkakamali.