PAOCC, umapela sa mga LGU na isuplong kaagad ang posibleng pagtatayo ng mga POGO hub sa kanilang mga lugar

Umapela ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa mga lokal na pamahalaan na i-report ang posibleng pagtatayo at operasyon ng mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) hubs sa kanilang mga lugar.

Ito’y kasunod ng patuloy na pagtaas ng bilang ng mga illegal na POGO hub sa Porac, Pampanga kung saan nasamsam din ng mga awtoridad ang maraming ebidensiya tulad ng mga computer, cellphone, baril at bala.

Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni PAOCC spokesperson Winston John Casio na mahalaga ang papel ng mga lokal na lider kaya’t importanteng isuplong sa mga awtoridad o sa national government ang mga posibleng illegal na POGOs sa kanilang mga nasasakupan upang mapasara ang mga ito kung mayroon mang silang ginagawang labag sa batas.


Karamihan aniya sa mga ilegal na POGO hub ay matatagpuan sa National Capital Region, Central Luzon at Region 4-A (CALABARZON).

Ayon pa kay Casio, natukoy na nila ang mga “beneficial owners” at “owners on paper” ng mga illegal na establisyimento pati na rin ang mga torturer at biktima ng mga krimen na may kaugnayan dito.

Aniya, ang mga taong ito ay pansamantalang naka-detain sa Pasay City at sumailalim na rin sa inquest ng Bureau of Immigration (BI).

Facebook Comments