Papalayaing 11,000 bilanggo ng New Bilibid Prison, hindi security threat – PNP

Hindi maikokonsiderang banta sa seguridad ang planong pagpapalaya sa 11,000 bilanggo sa New Bilibid Prison.

Ito ay matapos ang pahayag ni Department of Justice Secretary Menardo Guevarra na maaaring mapalaya ang libo-libong bilanggo ng NBP alinsunod sa Republic Act 10592 o Good Conduct Time Allowance na ipinagkakaloob sa mga inmates.

Ayon kay PNP Spokesperson Police Brig. Gen. Bernard Banac, napagbayaran na ng mga libo-libong inmates na ito ang kanilang nagawang krimen at naniniwala silang may pagbabagong magaganap matapos ang parusang ibinigay sa kanila.


Pero kung masasangkot sa panibagong krimen ang mga papalayaing mga inmates ay hindi magdadalawang-isip ang PNP na arestuhin at muling kasuhan ang mga ito.

Mamomonitor pa rin aniya ang galaw ng mga ito sa tulong ng komunidad.

Samantala, kasama sa 11,000 bilanggong palalayain ay si dating Calauan Laguna Mayor Antonio Sanchez na convicted sa kasong rape at pagpatay.

Matapos mapatunayang ginahasa nito ang UP Los Banos student Eileen Sarmenta at tinorture bago pinatay ang isang Allan Gomez noong taong 1993.

Facebook Comments