PAPANAGUTIN? | Dating Pangulong Noynoy Aquino at dalawa nitong dating cabinet members, irerekomenda ng Senado na kasuhan dahil sa Dengvaxia controversy

Manila, Philippines – Irerekomenda ng senate investigation report na kasuhan sina dating Pangulong Noynoy Aquino at dalawa nitong dating cabinet members dahil sa Dengvaxia controversy.

Bukod kay Aquino, kabilang sina dating Health Secretary Janette Garin at dating Budget Secretary Florencio Abad.

Ayon kay Senate Committee on Health and Demography Chairman JV Ejercito, ang kaniyang komite at ang blue ribbon panel na pinamumunuan ni Senator Richard Gordon ay napatunayang minadali ng Aquino Administration ang pagbili ng anti-dengue vaccine.


Makikita na aniya mismo sa timeline ng Dengvaxia procurement na mabilis ang pagproseso rito.

Tiniyak din ng dalawang komite na ang lahat ng may pananagutan ay mahaharap sa kaukulang parusa.

Sa ngayon, ang committee report sa imbestigasyon ay nirerebyu pa ni Gordon saka ito ipapasa sa plenaryo sa pagbabalik sesyon sa Mayo.

Facebook Comments