Manila, Philippines – Iginiit ni Vice President Leni Robredo na ginagamit lang ni dating Senador Bongbong Marcos ang poll protest case para manatiling “visible” sa mata ng publiko.
Ito ang tugon ni Robredo sa inihaing petisyon ng kampo ni Marcos sa Korte Suprema na humihiling na imbestigahan ang outing ng mga revisors kasama ang staff ni Robredo.
Ang mga revisors ay binuo ng dalawang panig na in-charge sa recount ng contested ballots mula sa pilot provinces sa poll protest case.
Ayon kay Robredo, alam ni Marcos ang nasabing outing at nagpadala pa ito ng pagkain.
Ani pa ni Robredo, wala siyang nakitang mali sa nangyaring outing at hindi rin ito dahilan para palitan ang mga revisors.
Pero sabi ni Atty. Vic Rodriguez, abugado ni Marcos, nagsisinungaling si Robredo dahil nalaman lang ng dating senador ang outing sa mga post sa social media.
Aniya, hindi naman inimbitahan sa outing ang kanilang revisor.
Hinding hindi sila gagawa ng mali para lang maimpluwensyahan ang mga tauhan ng Presidential Electoral Tribunal o PET.