Idudulog ng Department of the Interior and Local Government (DILG) kay Pangulong Rodrigo Duterte ang sitwasyon ng mga lokal na pamahalaan na nauubusan na ng pondo ngayong taon sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Nakatakdang makipagpulong sa Pangulo si DILG Secretary Eduardo Año sa October 13, 2020.
Tatalakayin niya sa Pangulo ang posibilidad na magkaloob ng karagdagang ayuda sa mga lungsod at munisipalidad kahit katumbas ng isang buwan ng kanilang Internal Revenue Allotment.
Sa pamamagitan ng Bayanihan 2, maaaring tulungan ang mga local government dahil may pondo naman ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Agriculture (DA).
Sinabi ni Año, dapat nakatuon na ang tulong direkta sa mga nagkakasakit at hindi na sa pangkalahatan.
Isa sa mga umapela na ng karagdagang ayuda si Sorsogon Governor Francis “Chiz” Escudero habang nanatiling banta ang pandemya sa economic activities sa kaniyang lalawigan.