Isang imbestigasyon ang isinusulong ni Senador Win Gatchalian patungkol sa papaubos nang suplay ng Malampaya Deep Water Gas-to-Power Project na kritikal sa seguridad ng suplay ng enerhiya sa bansa.
Kasama ni Gatchalian sina Senate President Vicente C. Sotto III at Senador Panfilo Lacson na naghain ng Senate Resolution No. 533 na layuning alamin ang plano ng gobyerno bago tuluyang maubos ang sinusuplay ng Malampaya hanggang taong 2024.
Ang Malampaya gas field ang pangunahing pinagkukunan sa bansa ng enerhiya na nagsu-supply ng 29.3 porsyento ng kuryente sa Luzon at 20.08 porsyento sa buong bansa.
Sinasabing mayaman sa langis at natural gas ang paligid ng Malampaya kaya mas maigi, ayon kay Gatchalian, na ngayon pa lang ay galugarin na ito bilang paghahanda sa 2024.
Target din ng hakbang ni Gatchalian na siyasatin kung nasunod ng gobyerno at ng consortium na nasa likod ng operasyon ng Malampaya ang Oil Exploration and Development Act of 1972 at ang napipintong pagbenta ng 45 porsyentong pag-aari ng Shell Exploration B.V. (SPEX) sa Malampaya.
Ang SPEX ang operator o nagpapatakbo ng Malampaya habang hawak naman ng Philippine National Oil Corporation-Exploration ang 10 porsyento sa Malampaya.
Ang 45 porsyento naman nito ay dating pagmamay-ari ng Chevron na ngayon ay nabili na ng UC Malampaya Philippines na nasa ilalim ng Udenna Corporation.
Nais ring marinig ni Gatchalian ang opinyon ng mga eksperto kung kailangan pa bang palawigin ang kontrata ng Malampaya gas field o posibleng epekto sakaling pamahalaan ito mismo ng gobyerno.