PAPEL NG KABATAAN SA PAGPAPLANO NG MGA PROGRAMANG PANGKARAPATAN, PINAGTIBAY SA MANGALDAN

Pinatatag ang papel ng kabataan sa pagpaplano at pagpapatupad ng mga programang pangkarapatan sa bayan ng Mangaldan matapos isagawa ang halalan para sa pagpili ng Barangay Child Representative sa Municipal Council for the Protection of Children (MCPC), kahapon, Disyembre 22.

Pinangasiwaan ang halalan ng Municipal Local Government Operations Office (MLGOO) katuwang ang Local Youth Development Office (LYDO), na dinaluhan ng mga konseho sa barangay at kanilang mga kinatawang kabataan.

Layunin ng aktibidad na mabigyan ng boses ang mga kabataan sa mga usaping may kinalaman sa kanilang kapakanan, partikular sa pagbalangkas at pagpapatupad ng mga programang tumutugon sa karapatan ng bata sa antas-barangay at bayan.

Sa naging resulta ng halalan, isang kabataan mula sa Barangay Osiem ang nahalal bilang Child Representative sa Barangay Council for the Protection of Children para sa MCPC.

Makakatuwang din niya sa paghahatid ng mga programa at serbisyo ang mga kinatawan mula sa iba pang barangay, kabilang ang Guesang at Macayug, upang mas mapalawak ang partisipasyon ng kabataan sa mga inisyatibong pangkarapatan sa Mangaldan.

Facebook Comments