Mahalaga ang papel ng mga lokal na pamahalaan para maisakatuparan ang pagbuwag sa 402 mga ilegal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa iba’t ibang panig ng bansa.
Binigyang diin ito nina Leyte 4th District Representative Richard Gomez at Santa Rosa City Representative Dan Fernandez sa pagdinig ng Committee on Public Order and Safety katuwang ang Committee on Games and Amusements ukol sa mga krimen at ilegal na aktibidad na nag-uugat sa POGO.
Ayon kay Fernandez, ang mga alkalde at pinuno ng Business Permits and Licensing Offices sa bawat lungsod at municipalidad ay dapat maging responsable sa pagpapasara sa mga POGO na ilegal ang operasyon.
Paliwanag ni Fernandez, mahihirapang maipasara ang mga ilegal na POGO sa buong bansa kung iaasa lang ito sa national government at Philippine National Police (PNP).
Iginiit naman ni Congressman Richard Gomez na trabaho at responsibilidad ng mga local government units (LGUs) o ng mga alkade na ipasara ang mga ilegal na POGO sa kanilang nasasakupan.
Sa pagdinig ay sinabi ng Philippine Amusement and Gaming Corp. Na 78 ang POGO na may legal na operasyon na nasa ilalim ng superbisyon nito.
Ang Presidential Anti-Organized Crime Commission ay nagbigay naman ng intelligence kaugnay sa lokasyon at operasyon ng 402 illegal na POGO sa buong bansa.