Papel ng mga politiko sa pamamahagi ng ayuda, tuluyan nang pinatanggal ni PBBM

Mahigpit na ipatutupad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagbabawal sa paglahok ng mga politiko sa pamamahagi ng cash at iba pang tulong-pinansyal sa ilalim ng 2026 General Appropriations Act (GAA).

Ayon sa Pangulo, ang pondo ng gobyerno ay dapat direktang mapunta sa mga benepisyaryo at hindi magamit sa pamumulitika.

Giit ni Marcos Jr., ang pamamahagi ng ayuda ay dadaan lamang sa mga ahensiya ng gobyerno upang maiwasan ang patronage politics at masigurong buo at tama ang matatanggap ng mamamayan.

Saklaw ng patakarang ito ang mga programang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS), TUPAD, 4Ps, gayundin ang cash grants at pensyon para sa mga senior citizen at persons with disabilities.

Kasabay nito, pinalalakas din ng 2026 national budget ang Local Government Support Fund upang masuportahan ang mga proyekto ng mga lokal na pamahalaan sa kabuhayan, kaunlaran, at kaligtasan ng komunidad.

Nanindigan ang Pangulo na ipatutupad ang pambansang pondo alinsunod sa umiiral na mga batas at regulasyon.

Dahil dito, may ilang pondo ang isasailalim sa conditional implementation, kabilang ang para sa pensyon, capacity development programs, foreign service posts, at ilang social at infrastructure programs.

Facebook Comments