Binibigyang halaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang malaking papel ng Philippine Marine Corps sa ilalim ng Philippine Navy sa pagtiyak ng seguridad ng bansa.
Sa kaniyang pagdalo sa ika-72 kaarawan ng Philippine Marine Corps kahapon, sinabi ng pangulo na sa mahabang panahon, itinaguyod ng Philippine Marines Corps ang peace and order sa bansa, ipinagtanggol ang bayan laban sa mga terorista at iba pang armadong grupo.
Maaasahan din aniya ang Philippine Marines sa panahon ng kalamidad at emergencies.
Kaya naman, ayon sa pangulo ay nagpapasalamat siya sa pagiging tunay na Marines ng mga ito na taglay ang katapangan para lamang maprotektahan ang territorial integrity ng Pilipinas.
Ang mga katangiang ito aniya ay patunay na hindi lamang ng pagiging tapat sa kanilang tungkulin kundi ng kanilang pagiging makabayan.
Inaalala ng pangulo ang panahong naging bahagi pa siya ng Philippine Marines kung saan natutunan niya ang pakikisama o camaraderie at brotherhood.
Tiwala ang pangulo na dahil sa commitment ng Philippine Marines, kayang protektahan ng gobyerno ang bayan laban sa anumang mga banta.
Pagtitiyak pa ng pangulo, susuportahan niya ang Marine Corps sa pamamagitan ng AFP modernization program.