Papel ni dating Senator Antonio Trillanes IV sa isinagawang welfare check kay FPRRD, ipinasisiyasat ng isang senador

Pinapaimbestigahan ni Senator Robin Padilla ang umano’y designation ni dating Senator Antonio Trillanes IV para magsagawa ng welfare check kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague.

Sa Senate Resolution 141 ay kinukwestyon ni Padilla kung legal, constitutional, at kung tama ba ang pagtatalaga ng isang pribadong mamamayan para iprisinta ang estado sa isang international tribunal.

Giit ni Padilla, ang isyung ito ay may implikasyon sa soberenya ng bansa, sa foreign relations at proteksyon ng mga karapatan ng mga opisyal na sumailalim sa international investigation.

Kasama rin sa mga tanong ang lawak ng pananagutan at accountability ng naturang mga desisyon sa harap ng sambayanang Pilipino.

Bukod dito, binigyang-diin ang pangangailangang linawin kung ang nasabing pagtatalaga ay opisyal na pinahintulutan ng anumang sangay o ahensya ng gobyerno, at kung anong awtoridad at mandato ito isinagawa.

Facebook Comments