Papuri ng Singaporean government sa naging operasyon ng PNP sa isang POGO site sa Las Piñas, magsisilbing motivation ng Pambansang Pulisya

Nagpasalamat ang Philippine National Police (PNP) sa Ministry of Foreign Affairs ng Singapore gayundin ng Embahada nito sa Pilipinas.

Ito’y makaraang papurihan ng Singapore ang PNP dahil sa matagumpay na operasyon nito laban sa isang POGO hub sa Las Piñas City kamakailan na nagresulta sa pagkakasagip sa may 2,000 online workers na biktima umano ng human trafficking.

Nag-ugat din ito sa pagkakaaresto sa 7 pugante na pawang nagtatrabaho sa nasabing POGO site.


Ayon kay PNP Chief, PGen. Benjamin Acorda Jr., magsisilbing inspirasyon ito para sa kanila na gampanan ang kanilang tungkulin at paigtingin pa ang kampaniya kontra human trafficking.

Aniya, nagpapasalamat sila sa gobyerno ng Singapore sa suporta at pagkilala nito sa kanilang mga hakbang bilang pakikiisa sa pagsupil sa transnational at cross-border crime.

Ang Pilipinas at Singapore ay kapwa mga founding member ng ASEAN Chiefs of National Police na binubuo ng mga Pambansang Pulisya ng 10 ASEAN member states.

Facebook Comments