PARA HINDI UMABUSO | Senator Pacquiao, iminungkahi ang pagkuha ng lisensya sa gobyerno ng mga bloggers

Manila, Philippines – Iminungkahi ni Senator Manny Pacquiao na magkaroon ng lisensya o permit mula sa pamahalaan ang mga bloggers upang hindi ng mga ito maabuso ang karapatang magsalita o magpahayag.

Sa pagdinig ukol sa fake news ng Committee on Public Information and Mass Media na pinamumunuan ni Senator Grace Poe ay ipinaliwanag ni Pacquiao na kapag hindi nakarehistro ang mga bloggers ay madadamay yaong may mabubuting intensyon.

Diit ni Pacquiao, hindi rin dapat magtago ng pagkakakilanlan ang mga bloggers upang malayang makapagbigay ng below the belt na banat sa sinuman.


Sabi naman ni professor JJ Disini ng UP College of Law, ang suhestyon ni Pacquiao ay labag sa konstitusyon dahil kontra ito sa freedom of speech.

Katwiran naman ng Kapisanan ng mga Broadcaster ng Pilipinas o KBP at ni Communications Secretary Martin Andanar, may mga umiiral ng batas laban pagkakalat ng fake news o maling mga impormasyon.

Sa hearing, binanggit din ni Pacquiao ang ginawa ni Presidential Communications Operations Office o PCCO Undersecretary Usec. Lorraine Badoy, dalawang taon na ang nakakalipas.

Sabi ni Pacquiao, nag-post umano si Badoy sa kanyang facebook account ng larawan ng isang bahay na sinabi nito na tinitirhan ng mistress ng senador na hindi naman totoo.

Sa pagdinig ay nag-sorry si Usec. Badoy, kasabay ang paliwanag na nasaktan kasi siya sa pahayag noon ni Pacquiao laban sa same sex marriage.

Facebook Comments