Para maiwasan ang kopyahan: Estudyante sa India, pinagsuot ng karton sa ulo habang nag-eexam

(Photo from Twitter)

Usap-usapan sa social media ang ginawang istilo ng isang paaralan sa India para maiwasan umano ang kopyahan ng mga estudyante sa kanilang exam, Oct. 10, Huwebes.

Itinuturing na “out-of-the-box” solution ng Bhagat Pre-University College sa Haveri, India ang pagpapasuot sa kanilang mga mag-aaral ng malalaking karton habang nagsasagot ng pagsusulit para hindi magawang tumingin sa ibang papel ng mga ito.

Sa ibinahaging larawan sa Twitter ng ANI, na agad na umani ng iba’t ibang reaksyon, makikita ang hilera ng mga estudyante na may mga nakasuot na karton sa ulo.


Ayon sa ulat, midterm exam noon ng mga kabataan at isa-isa umano silang binigyan ng kahon na may maliit na butas na sapat na para may makita sila sa kanilang sinasagutan.

Nang binatikos ang naturang paraan, agad na humingi ng paumanhin ang isa sa mga opisyales ng unibersidad.

Para sa College administrator na si MB Satish, ginawa lamang ito ng paaralan para makita kung magiging epektibo ba gaya nang naririnig nila umano sa ibang paaralan.

Giit niya pa ay isa raw itong paraan na hiningan naman nila ng pahintulot mula sa mga bata.

“There was no compulsion of any kind. You can see in the photograph that some students were not wearing it,” saad niya.

Tinatanggal naman raw ng ibang estudyante ang kahon tuwing natatapos ang 15 minutes, ang ilan ay tuwing 20 minutes at pinaaalis naman nila umano ang kahon pagkalipas ng isang oras.

Ayon naman kay SC Peerjade, deputy director ng local pre-University Education Board, hindi raw makatao ang ginawa ng naturang paaralan.

Sa pahayag na inilabas ng Haveri district hinihingan nila ng katanggap-tanggap na rason at paliwanag ang unibersidad.

Anuman daw ang layunin eskwelahan, hindi pa rin daw tama na pasuutin ng karton ang mga mag-aaral habang nagsusulit.

Facebook Comments