May “nakakatakot” na pakulo ang isang barangay sa San Andres, Catanduanes para manatili ang mga residente sa kani-kanilang bahay.
Imbis kasi na barangay o pulis ang rumoronda sa lugar, si “Kamatayan” mismo ang makakasalubong ng mga tao.
Sa kuhang video at litrato, makikitang todo-costume ang mga kawani at may kasama silang kabaong habang naglilibot.
Maririnig din ang mala-horror movie na musika at ang nauusong tanong ngayon sa publiko na “stay at home or stay with them”.
Pakana raw ito ni Punong Barangay Sammy Dela Cruz na layong maibsan ang mga sumusuway sa ipinatupad na patakaran ng gobyerno.
Nais din ng kapitan na maliwanagan ang pamayanan sa matinding banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Umiiral ngayon ang enhanced community quarantine sa buong Luzon bilang proteksyon laban sa pagkalat ng nakakahawang virus.
Sa datos ng Department of Health (DOH) ngayong araw, Abril 2, umangat sa 2,633 ang positibong kaso ng COVID-19 sa bansa kung saan 107 ang nasawi at 51 naman ang gumaling.