PARA MAPABILIS ANG REHABILITASYON | Panukalang isailalim sa ‘State of Calamity’ ang Boracay, nilinaw

Manila, Philippines – Nilinaw ni DILG OIC-Secretary Eduardo Año ang layunin ng sa panukalang isailalim sa ‘State of Calamity’ sa isla ng Boracay.

Sa pamamagitan nito, mapapahintulutan nito ang pagpasok ng National Government, pribadong sektor at maging ang ayuda mula sa ibang bansa upang agarang masolusyunan ang napakaraming paglabag sa environmental laws at regulations ng mga commercial establishments sa isla.

Paliwanag pa ni Año na sa ilalim ng Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010, may karapatan ang Pangulo na magdeklara ng ‘State of Calamity’ sa mga barangay at iba pang lebel ng LGUs batay sa isusumiteng rekomendasyon ng NDRRMC.


Dahil dito, magagamit ng National at Local Government ang kanilang Calamity Fund para sa relief, recovery at reconstruction efforts sa Boracay na apektado na mula sa tinatawag na ‘Human-Induced’ Calamities at iba pang uri ng polusyon.

Sa kabila nito, nililinaw ng DILG na isa lamang ito sa mga opsyon na nakalatag para sa planong rehabilitasyon ng Boracay sa loob ng anim na buwang deadline.

Sa nabanggit din na panahon, pinag-aaralan na rin ng ahensya na pansamantala munang ipasara ng animnapung araw ang operasyon ng komersyo sa tatlong Barangay ng Boracay na hindi naman umano na labis na makaka-apekto sa sektor ng turismo.

Maliban sa Boracay, tinututukan na rin ng mga kinauukulan ang kaparehong problema sa iba pang destinasyon sa bansa na mabigat ang Tourist Traffic gaya sa El Nido, Palawan; Panglao Bohol at Siargao sa Surigao Del Norte.

Facebook Comments