Manila, Philippines – Upang mapabilis ang pag-proseso ng aplikasyon sa pag-renew ng rehistro ng labor contractors, naglabas ang labor department ng bagong patakaran na nagtatakda para sa pag-apruba ng aplikasyon.
Sa ilalim ng Department Order No. 174, series of 2017, bibigyang prayoridad ang aplikasyon ng mga labor contractor na walang inspection findings o walang nakapending na kaso.
Bibigyang prayoridad din ang aplikasyon ng mga contractor na sumunod sa mga itinakdang patakaran sa ilalim ng Section 21 ng D.O. 174-17.
Ang mga aplikasyon naman mula sa mga contractor na mayroong inspection findings o may naka-pending na kaso at naisyuhan ng pinal na Compliance Order, ay hindi tatanggapin ng DOLE.
Ipoproseso lamang ang aplikasyon ng mga ito sa oras na magsumite sila ng katibayan sa pagsunod sa compliance order o ang kautusan na idinismis na ang kaso.
Kung sakali ang contractor ay may inspection findings o may naka-pending na kaso at naisyuhan ng Compliance Order ngunit nakapagsumite ng apila sa Labor Secretary, aaksiyunan ng DOLE ang kanilang aplikasyon sa renewal ng registration ayon sa kasalukuyang proseso.