Para sa isang senador, mas mainam na isang sakong bigas na lang ang iregalo ngayong Valentine’s day sa halip na bulaklak

Napag-alaman ni Senador Imee Marcos, na ngayong Valentine’s day ay umaabot na sa P2,500 hanggang P4,000 ang presyo ng isang ‘bouquet of flowers’ sa mga pamilihan.

Pati sa Dangwa sa Maynila na bagsakan o sentro ng pamilihan ng mga bulaklak ay napakamahal na rin ng presyo.

Dahil dito ay hinikayat ni Marcos ang publiko na sa halip bouquet of flowers, ay mas mabuti pa sigurong isang sakong bigas na lang ang iregalo ngayong araw ng mga puso.


Sa impormasyong nakarating kay Marcos, ang dating P1,000 – P1,800 na isang bungkos ng rosas nito lang nakaraang Enero ay umabot na sa P2,500 habang ang Ecuadorian roses ay naglalaro na ngayon  sa P2,500 hanggang P4,000 mula sa dating P2,000 kada bouquet.

Ang Indian rose na dating P400 kada boquet ay umaabot na  ngayon sa P600 hanggang P800.

Sa pagkakaalam pa ni Marcos, ang kada piraso ng bulaklak na rosas na galing sa Baguio City ay umabot na sa halagang P100 – P150 mula sa dating P50.

Ang Malaysian Mums naman aniya na mula rin sa Baguio City ay nasa P150 hanggang P200 kada isang piraso kumpara sa dating P100 hanggang P120.

Kaya naman diin ni Senator Marcos, mukhang hindi na praktikal ang pagbibigay ng bulaklak kung ganyan rin lang naman ang presyo.

Facebook Comments