Manila, Philippines – Simula sa Miyerkules, Enero 10, huhulihin at pagmumultahin na ang mga pampubliko at pribadong sasakyang bulok at mausok o smoke-belchers.
Ayon kay Transportation Undersecretary Thomas Orbos, layon ng “Oplan Tanggal Bulok at Tanggal Usok” na maalis sa mga kalsada ang mga sasakyang hindi na “road-worthy” o hindi na aabot sa pamantayan para matiyak ang kaligtasan ng pumapasada at ng iba pang motorista.
Aniya, mananagot rin ang mga smoke emission center na nagbibigay ng clearance sa mga sasakyang may maitim na usok.
Sa mga may depektibo o kulang-kulang na bahagi ng sasakyan, magmumulta ng P5,000 at pansamantalang masususpende rin ang operasyon kung namamasada.
Iba pa ang multa sa basag-basag na windshield at side mirror.
Isang taon namang suspensiyon at multang P2,000 hanggang P6,000 ang ipapataw sa smoke belchers.
Kapag hindi tama ang kasuotan ng motorista, tulad kung naka-tsinelas lang habang nagmamaneho, pagmumultahin ng P1,000.
Unang ipatutupad sa Metro Manila ang programa bago palawigin sa buong bansa.