PARA SA KAPAYAPAAN | Mga armas na-rekober ng militar sa Lanao del Sur at Marawi City

Lanao del Sur – Na-rekober ng militar ang mga de-kalibreng armas sa
isinagawang operasyon sa dalawang bayan ng Lanao del Sur at isang barangay
sa Marawi City, noong Biyernes at Sabado.

Ayon kay Captain Benjie Jimenez, ang acting chief ng Public Affairs Office
ng 1st Infantry Division, Philippine Army, ang naturang operasyon ay
sabay-sabay na isinagawa sa mga barangay ng Pualas at Lumbatan sa Lanao del
Sur at Barangay Kilala sa Marawi City, matapos matanggap ang report ng mga
sibilyan tungkol sa presensiya ng mga armado sa lugar.

Ang mga narekober ay pawang walang mga kaukulang papel gaya ng M4 5.56mm
rifle, dalawang M14 7.62mm rifles, dalawang M1 Caliber .30 Garand rifles,
M16 5.56mm rifle, M653 5.56mm rifle, M203 grenade launcher, tatlong Caliber
.45 pistols at M65 type hand grenade.


Narekober din ang iba’t-ibang klaseng mga bala at magazine at mga hindi
lisensiyadong personal radio sets.

Ayon kay Major General Roseller G Murillo, Commander ng Joint Task Force
Ranao, na patuloy silang magsasagawa ng mga operasyon laban sa mga loose
firearms para sa tuloy-tuloy na payapang pagbangon ng Marawi.

Noong Biyernes, mahigit 43 mga matatas na kalibre armas ang sinurender ng
mga residente sa Piagapo, Lanao del Sur sa militar.

Facebook Comments