Manila, Philippines – Inendorso na sa plenaryo ng Senate Committee on Public Services ang Senate Bill No. 1749 o ang panukala para sa malinis na comfort rooms o CR at libreng Wi-Fi sa mga transport terminals sa buong bansa.
Si Senator Grace Poe na siyang chairman ng komite ang naglabas ng committee report #286 hinggil dito at naglatag sa plenaryo.
Nakapaloob sa panukala ang pagbabawal sa paniningil para sa malinis na CR at iba pang pasilidad sa mga transport stops, rest areas, at terminals alinsunod na rin sa umiiral na patakaran ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB.
Layunin ng panukala na mapagkalooban ng kaginhawaan ang publiko lalo na sa mahahabang biyahe.
Ayon kay Senator Poe, umaayon ang panukala sa mga umiiral na batas at regulasyon tulad ng Code on Sanitation of the Philippines at patakaran ng LTFRB sa mga Off-Street Terminal Operations.