Nananatiling nakabinbin sa Bicameral Conference Committee (Bicam) ang panukalang Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2 dahil hindi pa mapagkasundo ang mga senador at kongresista sa paraan ng pagtulong sa sektor ng turismo na labis ding naapektuhan ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Senate Minority Leader Franklin Drilon, sa Senate version ng Bayanihan 2 ay pinapalaanan ng ₱10 bilyong ayuda ang mga negosyante sa tourism sector sa pamamagitan ng pautang na may mababang interes na idadaan sa mga bangko ng gobyerno.
Pero, iginigiit naman ng mga kongresista na ipasok ang ₱10 bilyong sa Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) para magpagawa ng kalsada at iba pang infrastructure projects para sa turismo.
Bunsod nito ay iminungkahi ng Senate panel na magpasok ng ₱1 bilyong sa TIEZA habang gamitin ang ₱3 bilyong na ayuda sa displaced workers sa tourism enterprises at ₱6 bilyong para pautang sa tourism sector.
Giit ni Drilon, sa kasalukuyang sitwasyon ay mas kailangan ng mga negosyante ang tulong sa halip na gumawa ng kalsada dahil limitado pa naman ang mga dumarating na turista sa bansa bunga ng pandemya.
Pinangungunahan ni Finance Committee Chairman Senator Sonny Angara ang Senate panel na humaharap sa Bicam para sa Bayanihan 2 habang ang House Panel naman ay pinangungunahan ni Camarines Sur Cong. LRay Villafuerte.