Parallel COVID-19 purchase at vaccination, isinusulong ng isang kongresista

Umapela si BHW Partylist Rep. Angelica Natasha Co sa Inter-Agency Task Force (IATF) na payagan na ang parallel purchase at vaccination ng COVID-19 vaccine.

Giit ni Co, mahalaga ang oras kaya dapat payagan na ng pamahalaan ang pagbili ng bakuna at immunization na nais gawin ng mga negosyo, simbahan at local government sector.

Paliwanag ng lady solon, ang COVID-19 vaccine purchase at vaccination ay nangangahulugan ng mas maraming bakuna ang magiging available kaagad sa bansa at mas maraming Pilipino ang tiyak na mababakunahan sa lalong madaling panahon.


Nagbabala ang kongresista na kung ipipilit ng IATF na ang pagbili ng bakuna ay gagawin lamang ng national government ay posibleng maipon ito na magiging sanhi pa ng delay para sa vaccination program.

Bukod dito ay hindi rin makakamit ng pamahalaan ang target na 70% hanggang 90% na herd immunity sa bansa na may 110 million na mga Pilipino.

Dagdag pa ng mambabatas, kung ang kasalukuyang sistema ng IATF ang susundin ay 20% ng mga Pilipino lamang ang mababakunahan sa loob ng limang taon pero kapag pinayagan ang parallel purchase at vaccination ay makakamit ang herd immunity sa loob lamang ng dalawang taon.

Facebook Comments