Nagbigay-pugay ang lokal na pamahalaan ng Parañaque sa mga makabagong bayani na lumalaban sa kahirapan at sa pandemyang dulot ng COVID-19.
Sa mensahe para sa paggunita sa National Heroes’ Day, sinabi ni Parañaque City Mayor Eric Olivarez na nagbuwis din ng buhay ang mga frontliners na tumutugon sa health crisis tulad ng pambansang bayaning si Jose Rizal at ang mga lumaban sa pananakop ng dayuhan.
Malaki aniya ang sakripisyo ng mga doktor, nurse, barangay health workers at iba pang frontliner para lang maibaba ang kaso ng COVID-19 sa lungsod.
Inihalimbawa ni Olivarez ang noo’y medical director ng Ospital ng Parañaque na si Dr. Ephraim Neal Orteza na sa kabila ng banta ng virus ay patuloy na nagserbisyo sa mga pasyente hanggang sa pumanaw matapos siyang tamaan nito.
Iniulat ng alkalde na sa kasalukuyang 74 na aktibong kaso ng COVID-19 at patuloy pang bumababa dahil sa pagdami ng mga nabibigyan ng booster shot.
Batid naman ni Olivarez na marami ang nawalan ng trabaho at nagsarang negosyo sa Parañaque kaya patuloy ang paglaban sa kahirapan.
Kasabay nito, tiniyak ng alkalde na palalakasin pa ang sektor ng edukasyon ngayong nagbalik na ang face-to-face classes upang maisakatuparan ang pahayag noon ni Rizal na ang kabataan ang pag-asa ng bayan.