Parañaque LGU, nanawagan sa mga residente nito na nais magpa-rapid testing ng COVID-19 na kumuha muna ng schedule

Umapela ang Lokal na Pamahalaan ng Parañaque sa mga residente nito na nais sumailalim sa libreng rapid testing ng COVID-19 na kumuha muna ng schedule sa City Health Office (CHO).

Ito’y para sa mas maayos na pagbibigay serbisyo at maiwasan na din ang paghihintay sa mahabang pila.

Ayon kay Parañaque City Mayor Edwin Olivarez, hangad ng Lokal na Pamahalaan na mapagbigyan ang mga nais sumailalim sa rapid test, pero kailangan pa rin silang dumaan sa pagsasala para malaman kung sino ang ipapa-prioritize depende sa sintomas o medical background.


Dagdag pa ng alkalde, limitado lang din ang bilang ng kanilang mga healthcare workers na magsasagawa ng pagsusuri kaya’t mas magiging maayos ang serbisyo nila kapag mayroong schedule ang bawat residente.

Sinabi naman ni City Health Officer Dr. Olga Virtusio na maaaring tumawag ang sinumang nais sumailalim sa rapid testing sa City Main Laboratory sa numerong 02-8829-0977 tuwing Lunes hanggang Linggo mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon.

Maaari rin tawagan ang cellphone number na 0919-000-9543 tuwing Lunes, Martes, Miyerkules at Linggo habang tuwing Huwebes, Biyernes at Sabado naman ang numerong 0998-570-4357.

Muli naman panawagan ng Lokal na Pamahalaan ng Parañaque sa mga residente nito na manatili na lamang sa loob ng kanilang tahanan at sumunod sa pinapairal na Enhanced Community Quarantine (ECQ) ng gobyerno.

Facebook Comments