Parañaque LGU, walang plano na baguhin ang ipinapatupad na age restriction sa kanilang lungsod

Walang plano si Parañaque City Mayor Edwin Olivarez na luwagan ang ipinapatupad na age restriction sa mga maaaring lumabas ng bahay sa kanilang lungsod.

Sa isang panayam kay Olivarez, iginiit niya na dapat munang manatili ang mga bata sa loob ng kanilang tahanan lalo na’t madali silang mahawa ng virus kahit pa kasama ang kanilang mga magulang.

Aniya, kanilang binabantayan ang bagong variant ng COVID-19 kung saan nakipagpulong na siya sa kanilang Local Task Force, City Health Office at City Epidemiology and Surveillance Unit para gumawa ng hakbang para mabantayan na hindi makapasok sa lungsod ang bagong variant ng virus.


Kasunod nito, muli rin niyang iginiit na hindi siya pabor na luwagan o ibaba ang ipinapatupad na community quarantine kaya’t sa magiging meeting mamaya ng Metro Manila Council ay magsasama siya ng mga health expert para magbigay ng mga datos.

Sinabi pa ni Olivarez na ang mga health expert ay mula sa Pediatric Society at OCTA Research Group na may una nang ibinahaging rekomendasyon para mapag-aralan ng Metro Manila Mayors sa magiging meeting nila mamayang gabi.

Facebook Comments