Personal na nagtungo at mino-monitor ni Parañaque City Mayor Edwin Olivarez ang implementasyon ng calibrated and reasonable lockdown sa mga piling lugar ng Barangay San Dionisio.
Ito’y para masiguro na nasa maayos ang lahat partikular ang seguridad at katahimikan sa mga kalye o kalsada na isinailalim sa lockdown.
Kabilang sa mga lugar sa Barangay San Dioniso ay ang Tramo I, Tramo II, Lupang Pangarap, Sitio Masigla, Poultry Compound, Parañaque Homes, Manggahan Wakas, United Manggahan at Mary Queen of Peace na nagsimula kaninang alas-6:00 ng umaga at magtatapos alas-12:00 ng hatinggabi ng Sabado, July 6, 2020.
Kasabay nito, magkakasa ang City Health Office (CHO) ng mass testing sa mga lugar na isinailalim sa lockdown habang magsasagawa ng disinfection at flushing ang City Environment & Natural Resources Office (CENRO).
Tanging mga indibidwal lamang na pawang mga frontliners at nasa serbisyong medikal ang papayagan makalabas ng bahay basta ipakita lamang nila ang kanilang ID.
Para mas epektibo ang lockdown, pagkakalooban ng lokal na pamahalaan ang mga residente ng mga pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain simula mamayang hapon hanggang sa Sabado.
Nabatid na ipinatupad ang calibrated and reasonable lockdown dahil sa patuloy na pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19 sa Barangay San Dionisio.