Inilabas na ng lokal na pamahalaang lungsod ng Parañaque ang Public Advisory No. 37 hinggil sa ipinatutupad na guidelines ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) na magtatagal hanggang Agosto 31.
Ayon kay Parañaque City Mayor Edwin Olivarez, bagama’t naibaba na sa mas maluwag na quarantine status ay ipagpapatuloy ang curfew sa lungsod mula alas-8:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng umaga at sinumang lalabag ay aarestuhin nang naaayon sa batas.
Ang pag-e-ehersisyo naman gaya ng paglalakad, jogging, running o biking ay pinapayagan lamang sa loob ng kani-kanilang mga subdibisyon, purok o barangay at kailangang sumunod sa public health standards.
Habang bawal pa rin ang mga indoor/outdoor sports, entertainment venues, sinehan, casinos, beauty salons, parlors, barber shops, nail spas at ang indoor/outdoor al fresco dine-in services sa lungsod.
Ipinagbabawal pa rin ang pagbebenta at pagbili ng alak sa lahat ng establisimiyento habang ang operasyon ng mga mall at commercial center sa lungsod ay hanggang alas-7:00 ng gabi lamang.
Ang pagbubukas ng mga palengke, talipapa at sari-sari stores ay papayagan mula alas-6:00 ng umaga hanggang alas-6:00 ng gabi habang ang mga pharmacy o drugstore at mga gasolinahan ay pinapayagang bukas ng 24-oras.
Isasagawa pa rin ang on-site skeletal workforce at work from home (WFH) arrangement upang ipagpatuloy ang pagbibigay ng serbisyo ng lokal na pamahalaan.