
Mariing itinanggi ng Malacañang ang mga paratang ni dating Ilocos Sur Governor Chavit Singsong na si First Lady (FL) Liza Araneta-Marcos umano ang nagbayad sa mga nanggulo sa Maynila noong Linggo.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, malaking kasinungalingan ang pagdawit sa unang ginang at malinaw na paninira lamang ng mga kritiko.
Giit pa ni Castro, kilalang Duterte supporter si Singson na siyang nag-udyok sa ilang kabataan na manguna sa rebolusyon laban sa pamahalaan.
Mahalaga rin aniyang tanungin kung sino talaga ang may mahabang kasaysayan ng karahasan at pagtatangka sa gobyerno.
Ibinulgar pa ni Castro na may ilang personalidad na namataan sa Mendiola na nakasuot ng itim kasama ang kanilang mga tagasuporta kung kaya’t posible aniyang nais nilang iligtas ang sarili sa pamamagitan ng pagbabaligtad ng isyu at paninisi sa iba.









