Paratang ni House Speaker Alan Peter Cayetano na may malaking alokasyon ang distrito ni Albay 1st District Representative Edcel Lagman, pinalagan ng Kongresista!

Bumuwelta si Albay 1st District Representative Edcel Lagman sa sinabi ni House Speaker Alan Peter Cayetano sa kanyang privilege speech noong Martes na ang Kongresista ang isa may pinakamalaking alokasyon para sa kanyang distrito.

Sa interview ng RMN Manila, itinanggi ni Lagman na kasama ang unang distrito ng Albay sa may pinakamataas na budget na hinihingi sa 4.5 trilllion General Appropriations bill.

Banat ni Lagman kay Cayetano, dapat munang inalam nito ang katotohanan bago nagsalita sa plenaryo.


Kasabay nito, iginiit ni Lagman na labag sa section 16, article 6 ng konstitusyon at concurrent Resolution No. 11 ng Kongreso, ang ginawang pagsuspendi sa deliberasyon ng 2021 national budget.

Ayon sa mambabatas, sa ginawa ng kampo ni Cayetano ay tinanggalan nila ng karapatan ang taong bayan na makiisa sa paghimay sa pambansang budget sa pamamagitan ng kanilang representative.

Noong Martes, agad na suspendihin ni Cayetano at mga kaalyado nito ang sesyon hanggang sa November 16, matapos ang hindi inaasahang pagpasa sa second reading ng House Bill No. 7727 o ang General Appropriations Bill na naglalaman ng panukalang national budget para sa 2021.

Ang naturang hakbang ay bago ang anticipated speakership showdown sa pagitan ni Cayetano at Rep. Lord Allan Velasco sa October 14.

Mababatid na batay sa calendar ng Kamara, bukas pa sana, October 9 aaprubahan sa ikalawang pagbasa ang naturang panukala, habang sa October 14 naman ito aaprubahan para sa final reading.

Facebook Comments